Mulier, ecce filius tuus

25 Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. 26 Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, Ina, ituring mo siyang sariling anak!

27 At sinabi niya sa alagad, Ituring mo siyang iyong ina! Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus.

Juan 19:25-27.

Babae, narito, ang iyong anak! Nang magkagayo'y sinabi niya sa alagad, 'Narito, ang iyong Ina!' (Juan 19: 24 - 25, Ang BIBLIA); Larawan kagandahang loob ng Fine Art America.com

Rosa Mystica

Habang nakabayubay sa Krus ng Kalbaryo, upang tubusin ang santinakpan, sa gitna ng maraming tao, naroroong nakatunghay kay Hesus, si Maria na kanyang Ina, at ang kanyang mga alagad. Alin nga ba ang mas masakit? Ang hapdi at kirot ng bawat ulos ng pako tagos sa palad at talampakan at ang pagkakabayubay sa krus ng nakapako? O ang pagkawarat ng damdamin at kaluluwa ng isang Ina sa pagtunghay sa sinapit ng kanyang anak? O ang pasakit ng isang batang makitang ang kanyang guro’y nakabitin, nahihirapan, at nagbubuwis ng dugo sa kanyang harapan pa mismo? Nauunawaan niya ang kanilang mga pinagdadaanan sa gitna ng sariling pinagdadaanan, at kanyang sinasabi: magkalingaan kayo sa isa’t isa.

Matingkad na matingkad sa akin ang eksenang ito. Wari ba’y hindi siya eksenang naganap ng iilang libong taon na ang nakalipas. Sariwa siya sa akin sa bawat nagbubuwis ng buhay para lamang pambansang pagbabago. Sariwa siya sa akin, sa bawat ina ng mga dinukot, at pinaslang ng walang awa at walang hustisya, pinaslang ng mga modernong sundalong Romano na bingi sa panawagan ng mas malawak na masa na palayain at itigil ang pagpapahirap sa inosenteng mga sibilyang pinagbintangan ng mga krimeng hindi naman nila ginawa. Sariwa siya sa akin, sa hinagpis at pakikiramay ng mga itinuturing nating mga kapatid sa isang pakikibakang nagaganap sa gitna ng marahas na tunggalian (na karaniwang nagbubunga ng kamatayan at pagkasugat sa ilan): Silang nananatiling nakatindig at nakikihamok para makamit ang inaasam na pambansang pagbabago. Sa bawat parangal at pagpupugay para sa mga bayani ng bayan, sariwa ang bawat hapdi at kirot.

Ngunit alin nga ba ang mas masakit?

Ang matortyur?: i-stapler ang tenga, pagkatapos tatanggalin ito isa-isa; pagkuryente sa bayag; pagpapahiya sa kababaihan, at ang paghubad sa dignidad ng tao, at iba’t iba pang “malikhain” nilang pamamaraan ng pandarahas—at sa iba pa ay ang kanilang pagkitil ng buhay—bilang sukli sa tunay na paglilingkod sa bayan?

Sa kasaysayan ng mga Romano, naisip ng mga nasa poder—ng mga hari, gobernardor, at opisyal ng kasundaluhan—ang pinakamatitindi at pinakamararahas na paraan ng pagpaparusa diumano sa mga nagkasala laban sa mabunying Imperyo ng Roma. Si Hesus mismo, nakaranas nang pinakamalupit at pinakamasakit na uri ng tortyur: ang paghampas sa kanya ng suplinang sa bawat dulo’y may bakal at may buto ng tupang nakabaon. Isipin na lamang ninyo ang bawat laman at dugong tumitilamsik sa bawat pagdapo ng suplinang iyon sa likod, bisig, hita, binti at saan mang bahagi ng katawan, ng Panginoong Hesus. At lahat iyon, nasaksihan ni Maria, ang Kanyang Ina at atin rin namang naging ina.

Alin nga ba ang mas masakit?

Ang biglang mawalan ng anak, asawa, kapatid, tiyo, ama, ina at iba pa? Ang walang katapusang paghahanap at pagaalala? At ang matagpuan na lamang sila pagkalipas ng maraming taon, bilang bangkay, at malala sa iba ay hindi na talaga nakikita pa kahit katawang malamig na nga lamang?

Ang mamatayan ng mga kaibigan at kasama dahil sa isang mahaba at matagalang pakikibaka laban sa inhustisya at di-pagkakapantay-pantay sa lipunang ito? Samantalang walang humpay na tatatak sa iyo ang mga biruan at kantahan sa bawat piketlayn at pulong at tambayang kinahihimpilan? Habang palagi kang mumultuhin ng ehemplong kanyang iniwan, o ng mga katagang pampapatatag na minsang nabanggit niya sa iyo?

Alam ng bawat isa ang sakit na pinagdadaanan ng bawat isa. Ang anak mo’y hindi mo naman talaga anak, sila’y mga Anak ng Bayan. Ang mga kasama’y higit pa sa dugo ang pagkakabigkis. Ang iisang pakikibaka ang nagtatali sa isa’t isa. Magkalingaan tayo! Magkalingaan tayo, hanggang sa katuparan ng kaganapan ng buhay, at pagsasakatuparan ng Kaharian ng Diyos, hindi lamang sa langit kundi higit dito sa lupa.

Mulier, ecce filius tuus. Magkalingaan tayo, mga kapatid… mga kasama.—P.M.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: